Tahimik ang simbahan ng Quiapo sa bisperas nang paggunita sa Traslacion ng itim na Nazareno.
Kasunod na rin ito nang pagkansela sa Traslacion ng itim na Nazareno sa Quiapo Church dahil sa patuloy na pagsirit ng kaso ng COVID-19 kaya’t ikinasa na ang online mass.
Binigyang diiin ni Reverend Father Daniel Voltaire Huy sa misa kaninang alas otso ng umaga na ang malalim na relasyon sa Panginoon ay hindi magagawa sa pagbisita lang sa Quiapo Church o sa imahe ng itim na Nazareno.
Samantala, sa paligid ng simbahan, bantay sarado ang mga pulis at walang tao o deboto na nakakatawid sa mga isinarang kalsada tulad ng Hidalgo at Villalobos Streets na hinarangan na ng plastic barriers.
Mayruon ding mga pulis na nagbabantay sa Rizal Avenue at Carriedo para mapigilan ang mga debotong magtatangkang pumasok sa mga saradong kalsada bukod pa sa checkpoints na itinayo sa southbound lane ng Quezon Boulevard mula Fugoso Street patungong Quezon Bridge.