“Currency of the future”, “digital” o kaya naman ay online currency, ang ‘Bitcoin’ ay mabilis na nakilala sa mundo at nagkaroon ng angking halaga.
Sa huling tala nitong nakaraang taon at sa loob lamang ng 9 na taon, umaabot na sa humigit kumulang 10 hanggang 20 milyon ang bilang ng user base ng Bitcoin sa buong mundo bagamat hindi ito kongkreto dahil sa dami ng gumagamit nito. Ito ay sa kabila ng kawalan ng seguridad sa paggamit nito sa kalakalan at pamumuhunan.
Taong 2009 nang maimbento ni Satoshi Nakamoto ang pinaka-unang Bitcoin na ‘Genesis Block’, na may halagang 50 coins at pinatakbo sa pamamagitan ng computer codes.
Sa Bitcoin o kilala rin na ‘crypto-currency’, uubrang itago ng isang tao ang kanyang pagkakakilanlan o maging anonymous Bitcoin user.
Karamihan din sa mga Bitcoin ay walang regulasyon at hindi rin kinikilala o tinatanggap ng gobyerno o tradisyunal na mga bangko para ipambayad sa mga utang—ibig sabihin, ito ay laganap lamang online.
Dahil online o virtual lamang, hindi pupuwedeng i-imprenta ang Bitcoin at gamitin katulad ng ordinaryong pera.
Pero bakit dumarami ang nahuhumaling sa paggamit ng Bitcoin?
Nakakaalarma, pero isa sa mga nakikitang dahilan ng pagkahumaling sa Bitcoin ay ang madaliang paggamit nito para sa mga iligal na transaksyon sa internet. Wala kasing rehistro, walang regulasyon at walang batas na nakakasakop dito.
Dumarami na rin ang mga kilalang kumpanya tulad ng Microsoft at Expedia na isang travel booking site na tumatanggap ng Bitcoin na may halaga na ng katulad sa pera para ipambili ng mga kalakal o serbisyo.
Sa Europa ginagamit din ang Bitcoin kahit sa pagbili ng bahay o kaya naman ay kotse.
Gaya ng tipikal na klase ng kalakalan, naka-base ang paglago ng halaga ng Bitcoin sa supply at demand dito; mas maraming bansa at negosyong gumagamit ng Bitcoin, ay mas mataas na halaga nito.
Ngunit ayon sa mga financial expert, 88% hanggang 90% ng mga Bitcoin owner ay gumagamit nito para sa investments o pagpapalago ng kanilang pera.
Kumpara sa ibang palitan ng pera, mas mabilis ang naitatalang pagtaas sa halaga ng Bitcoin at may pagkakataon pa na nado-doble ang halaga nito sa loob lamang ng isang buwan. Sa katunayan may isang pangyayari na umabot ng hanggang sa $19,000 katumbas ng P950,000 ang naging halaga ng isang Bitcoin lamang.
Hati ang mga opinyon ukol sa Bitcoin.
Bagama’t maraming nasisilaw dito dahil sa pangakong mabilis na paglago ng pera ay nagbabala naman ang mga financial expert na walang seguridad sa paggamit ng Bitcoin dahil maaari itong mawala na parang bula sa isang iglap lamang.
ANO ANG TURING NG ILANG BANSA SA BITCOIN?
Japan ang pinaka-unang bansa sa Asya na kumilala at nagsabatas sa paggamit ng Bitcoin. Kamakailan lang ay isang Japanese company na ang nag-anunsyo na sisimulan na nilang gamitin ang Bitcoin sa pagpapa-suweldo sa kanilang mga empleyado.
Isa rin ang Australia sa mga yumakap sa paggamit ng Bitcoin ngunit sa ngayon ay pinag-iisipan na ang pag-regulate dito lalo’t patuloy na lumalaki ang bilang ng mga mamumuhunan na gumagamit nito sa merkado.
Sa China naman bagamat dumating sa pagkakataon na umabot sa 80% ang Bitcoin ownership nito, sa ngayon ay tuluyan na nitong ipinagbawal ang ‘crypto-currencies.’
Banned o ipinagbabawal na rin ang Bitcoin at iba pang digital currencies sa Vietnam bagamat sa India at Indonesia naman ay pinag-iisipan nang lagyan ng regulasyon ito.
Kamakailan lang ay naglabas din ang Singapore ng babala sa kanilang mga mamamayan ukol sa paggamit ng Bitcoin dahil sa mga nakikitang panganib kapag ginamit ito sa pamumuhunan.
ANG BITCOIN SA PILIPINAS
Noong Agosto ng nakaraang taon inaprubahan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang dalawang Bitcoin exchanges.
Naglabas din ang BSP ng gabay ukol sa Bitcoin o iba pang virtual currency exchange nitong Oktubre, 2017. (BSP Guidelines)
Sa panayam ng DWIZ kay Atty. Ruel Refran ng Philippine Stock Exchange sinabi nitong sa Pilipinas ay marami-rami na ring Pinoy ang hindi lang sumubok kung hindi ay malalim na ang investment sa Bitcoin.
Ngunit binigyang diin ni Refran na kasabay ng pagpasok sa kalakalan gamit ang Bitcoin ay ang takot…takot na biglang mauwi sa wala ang pinag-hirapang pera.
“Kapag nangyayari ang pagbaba, dahil hindi naiintindihan what drives the price, siguro ang fear greets them, natatakot lalo sila at worst case scenario ay paano kung magsara ang webpage na kanilang pinag-iinvestan.”
“Wala pang pormal na regulasyon ang Securities and Exchange Commission o SEC ukol dito, wala pang regulasyon para siguruhin na ang safety ng investment ay andiyan, ‘di mo rin alam kung ininvest talaga yan o paraan lang yan ng isang scheme para magkakaroon ng maraming investors, at some point ang mga huling papasok diyan ang tatamaan dahil hindi na masu-sustain.”
Ayon kay Atty. Refran sa pagsisimula ng 2018 ay naitala ang 25 porsyento na pagbagsak sa halaga ng Bitcoin at naiulat din ang pagsasara kamakailan lang ng isa sa malaking Bitcoin exchange na ‘Bitconnect’, ang isang nakikitang dahilan ay ang regulatory pressure.
“Ang kanilang explanation they are looking at venturing into other space/business parang e-wallet na lang, dati kasi puwede silang magbigay ng loan sa Bitcoin users, sa aking pagkakaalam kahit mga Pilipino may investment sa ‘Bitconnect’ na ito.”
“I think yung regulatory pressure at yung mga artikulong lumalabas tungkol sa ‘Bitconnect’ bumigay na rin siya kasi number one napakalaki ng usapin sa South Korea, sa India, China na ipagbabawal itong crypto-currency exchange.”
Paalala ni Atty. Refran, mahalagang maging maingat sa pag-iinvest ng pera upang hindi magsisi sa huli. Wika nga niya, “If it’s too good to be true ay kailangan ka nang mag-ingat.”
Aniya, maiging iwasan din na makiuso kapag investment o savings ang pinag-uusapan at kung nais talagang mag-invest ay gawin ito ng tama at alamin ang tamang proseso.
“Dapat hindi maging emosyonal sapagkat may kuwento o experience ang ibang kakilala mo, hindi ibig sabihin na gagawin mo na rin. Ang tawag namin diyan sa merkado eh group think, grupo sabay-sabay, pare-parehas mag-isip or follow the others ka na lang kung anong ginawa ng iba hindi naman dapat ‘yun ang maging aksyon mo rin.”
“Magandang lesson If you really want to invest, please do it right, intindihin natin may mga pormal namang pamamaraan, bagamat ang teknolohiya already allows you to consider itong mga ganitong investment opportunities ay may mga pormal naman pong channels na ang mga savings at hard-earned money natin ay huwag namang mawawala.”
Para naman sa IT expert na si Jun Lozada, may positibong aspeto din sa paggamit ng Bitcoin na malaking tulong sakaling ang pinag-uusapan ay transparency sa paggastos at pag-tunton kung saan napupunta ang pera o ang inyong naimpok na pera.
“Actually, kumbaga ang nasa likod talaga nitong Bitcoin na ito, ‘yung pinaka-makina nito, ang tawag doon ay “block chain”. Ang maganda para sakin ah, depende sa iba, kung ako ang nasa gobyerno, gagamitin ko ito eh. Kasi ang bawat transaksyon sa Bitcoin ay naka-record. Halimbawa, ang budget ko ay 3.8 trillion tapos ilalagay ko sa Bitcoin ito, lahat ngayon ng transaksyon ko, babayaran kita ng Bitcoin, bawat transaksyon mo, naka-record yan sa block chain ng Bitcoin mo. Kumbaga, halimbawa, ako si Jun Lozada, babayaran kita yung Bitcoin ko ay makikita kasi lalabas ang pangalan nating dalawa, lalabas ang pangalan ko doon na halimbawa ngayong araw, itong si partido A, binayaran si partido B ng 2,000 pesos, nakalista yun dun. Tapos ikaw, binayaran mo naman halimbawa si Jun nakalista rin yun doon. So kung gusto mong sundan kung saan napunta yung pera ng gobyerno, kung naka-Bitcoin tayo, masusundan nating lahat yan.”
Ipinaliwanag din ni Lozada kung ano ang puwedeng panghawakan ng isang Bitcoin user para matiyak na hindi napupunta sa wala ang inihuhulog na Bitcoin.
“Ang bawat transfer niyan, iisa lang ang ginagawa, nire-record lang niyan kung saan siya napupunta. Kumbaga ‘yan ang pinakamalaki nilang assurance sa mga gumagamit nito, nalalaman mo saan galing ‘yan at kung gusto mong sundan kung malinis ba ang pinanggalingan nito at yung bibili rin sayo later on ibebenta mo na yan ay ‘yun din ang ibinibigay mong peace of mind sa kanila na yung binibili niyang Bitcoin mo ay talagang legit. So ano ito para itong internet talaga. Walang nagpapatakbo.”
Ayon pa kay Lozada ang isa pang magandang katangian ng Bitcoin ay ‘convenient’ itong gamitin sa mga transaksyon kumpara sa ordinaryong pera, na inihalintulad nito sa credit card.
“Parang sa credit card, bayad ka, bili ka, tapos ibibigay sayo yung goods mo, diba? Ang kabutihan nga dito sa Bitcoin na ito, walang bakasyon ito kasi walang central bank, walang bangkong may hawak so anytime, anywhere, at kahit palipat-lipat ka sa mundo, puwede mo siyang magamit.”
Idinugtong pa ni Lozada na dahil hindi dumadaan sa bangko ang Bitcoin ay wala itong surcharge kahit gaano kalaking halaga ang gagamitin.
Gayunman, ipinaalala rin ni Lozada na kailangan pa rin ng tamang impormasyon kung gagamit o mag-iinvest ng Bitcoin.
“Walang guarantee dito kaya nga ang isang disadvantage nito ay lack of awareness kasi isipin mo, sa loob ng isang buwan, kumbaga ilang libong porsyentong interes na ang inakyat ng halaga nito eh. Ang pinakamalaking halaga dati yung Euro mga 70 pesos dati per Euro, yung dollar 56 diba? San ka naman nakakita ng currency 591,000? So ganito kalaki ang tiwala ngayon ng mundo sa ganitong klaseng currency.”
Sinabi pa ni Lozada na kagaya ng iba pang website na makikita online hindi rin ligtas laban sa hacking ang Bitcoin.
Bagama’t aminadong malayo pang gamitin ng mga pangkaraniwang tao ang Bitcoin, payo ni Lozada, mas maiging maintindihan muna ito ng publiko.
“Right now, hindi pa ramdam yan, ang mga nakikinabang pa lang dito ay yung mga nag-speculate. Kailangan munang maintindihan ng taong bayan kung ano yan, diba? Ano ba yang Bitcoin na yan? So malaki pa kumbaga ang kailangang awareness tungkol dito sa Bitcoin na ito.”
PAANO BA GUMAGALAW ANG BITCOIN?
Pupuwede ka nang magsimulang mag-invest sa Bitcoin sa halagang P500.
Ayon ito sa Bitcoin user na si Miguel ‘Guile’ Sarne lalo aniya ngayon na mababa ang presyo nito.
Paglalahad ni Guile dahil na rin sa pagiging ‘techie’ at hilig sa computers ay una siyang nagka-interes sa tinatawag na ‘Bitcoin mining’.
“Someone told me about mining at first not the currency itself, so I started to mine these coins, that’s when I started to figure out na may value pala siya. Basically, you’re solving with these graphics cards and it equals to a specific or certain value to your account, if you’ve successfully mined these using your own equipment. Overtime, nakapag-ipon ako ng coins hanggang dumating yung December at tumaas siya ng todo, nag-grow yung mga na-mine at na-keep kong mga coins.”
PAANO KA MAG-UUMPISA?
Ayon kay Guile maraming klase ng mga online ‘app’ na maaaring gamitin kung nais na mag-invest sa Bitcoin.
“In my case for example, I’m using coins.ph app, it’s very convenient because they have certain ties na with the different banks where in you can cash out your money even if you don’t have a card all you need is a code na ipapadala sayo ng coins.ph, this time you can cash out your money without a card, you just need codes, i-input mo lang sa machine and you got it, ipapadala nila sa phone mo.”
“It’s actually okay for people to put in a thousand pesos at kung tumaas man yan ulit to 15,000 at least mag-iincrease.”
SAAN KA MAGHUHULOG NG PERA?
Paliwanag ni Guile sa nasabing app ay may tinatawag din na ‘Bitcoin wallets’ kung saan puwedeng ihulog ng isang user ang kanyang Bitcoin.
“For you to do that you just need coins.ph app for example and you can pay through convenience stores, you just download the app and there’s a register page, you just register just like a Facebook account and then you verify your details and you get access to all their features that makes it convenient for every Filipino to move their Bitcoins around, there are other wallets that people can use aside from coins.ph, they are just helping people to grasp it that everyone can use it and potentially turn it into peso.”
Tila kinalma rin ni Guile ang mga pangamba na posibleng magamit ang Bitcoin samga iligal na transaksyon sa internet, aniya, maituturing na perfect Math ang Bitcoin.
“You sometimes can’t cheat the computer and perfect Math, so what a Bitcoin is, it is a perfect math equation, you can’t cheat the system, while people are mining these perfect Math equations, nave-verify siya ng lahat ng mga tao around the world, that this Bitcoin exists, this value exists, so nobody can cheat that someone has more Bitcoins than what is registered in the public ledger all over the world which every miner actually everyone has access, you will know kung saan napupunta yung certain Bitcoin to what Bitcoin address, kung saan galing at saan napupunta, it’s very public, mas minimal yung mga tao na gagawa ng kalokohan, nate-trace kung saan galing at napupunta.”
SAFE BANG GUMAMIT NG BITCOIN?
Ayon kay Guile mahirap i-hack ang account sa mismong ‘blockchain’ na pag-aari ng isang user bagamat posibleng magkaroon ng access ang iba sa iyong account sakaling makompromiso ang ginagamit mong website o wallet address sa pag-iimpok.
“They published a white paper that talks about what Bitcoin essentially is and how it supposed to be like a peer to peer coin system no more middle men, you need a whole super computer to counter Bitcoin and you can’t do that, yun na yung security niya, it can’t be hacked from you sa blockchain but for example it’s possible na if ever ma-compromise yung system ng coins.ph there’s a possibility that they can gain access to our accounts.”
Gayunman sinabi ni Guile na uubra rin na gumawa ng iyong sariling Bitcoin wallet kung nais ng mas secured na account. Ito ay kung gusto lang i-save ang inyong coins at hindi ito gagamitin sa pagbili o sa mga transaksyon.
“You can buy hardware wallets that don’t require websites anymore, just a USB, you put all your Bitcoins there, it’s an offline wallet so your money is safe, if you just want to store and save your Bitcoin for a time.”
Naniniwala si Guile na posibleng Bitcoin na ang matatawag na ‘new currency’ at marami nang nagkaka-interes na gumamit nito.
“You know in Zimbabwe, their economy has collapsed so they are using electrical tokens or coins na parang Bitcoin din, they are using it to transfer funds, even sa street vendors they pay using their cell phones because their cash doesn’t work anymore.”
Pag-amin ni Guile malaki-laki na rin ang nawala sa kanyang pera sa pag-invest sa Bitcoin pero payo nito:
“The thing is, huwag kang magpapasok ng pera na hindi mo kayang pakawalan.”
Written By Aiza Rendon / with interviews from In the Heart of Business / Balita Na Serbisyo Pa
Edited By: Jun del Rosario
—-