Daan-daang pasahero ang na-istranded makaraang magpatupad ng maigsing operasyon ang Metro Rail Transit (MRT) mula lamang North Avenue hanggang Shaw Boulevard at pabalik.
Ayon kay Cherie Mercado, Spokesperson ng Department of Transportation, nagkaroon ng aksidente sa Taft Avenue Station habang isinasagawa ang routine maintenance bago ang pagsisimula ng biyahe.
Kinumpirma ni Mercado na dalawa sa mga tauhan ng MRT ang nasaktan sa aksidente subalit hindi na ito nagbigay ng detalye.
Binigyang diin ni Mercado na mas minabuti nilang igsian ang operasyon ng MRT upang tiyakin ang kaligtasan ng mga pasahero.
Bahagi ng pahayag ni Transportation Spokesperson Cherie Mercado
Inanunsyo naman agad ni Mercado sa kanyang twitter account na sa ngayon ay balik na sa normal ang operasyon ng MRT at may 15 tren na bumibiyahe.
By Len Aguirre | Ratsada Balita