Naging mabunga at matagumpay ang naging biyahe ni Pangulong Rodrigo Duterte sa China matapos itong dumalo sa isinagawang Belt and Road Forum at high level leaders meeting sa Beijing.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, ipinagmalaki nito na aabot sa mahigit $12 billion na halaga ng puhunan mula sa 19 na mga nilagdaang kasunduan na siyang bitbit ng pangulo pauwi sa Pilipinas.
Inaasahang makalilikha ito ayon kay Panelo ng nasa 21,000 trabaho para sa mga Pilipino sabay pagtitiyak ng isang magandang kapaligiran para sa mga dayuhang mamumuhunan na maglagak ng kanilang negosyo rito sa Pilipinas.
Kabilang sa mga sektor na saklaw ng mga nilagdaang kasunduan ay sa enerhiya, imprastraktura, turismo, internet connectivity, agrikultura at pagsasanay sa mga Pilipinong nagtatrabaho sa China.
Ginawa ng Malakanyang ang pahayag makaraang hindi na magbigay ng kaniyang arrival speech si Pangulong Duterte pagdating nito sa Davao International Airport kaninang madaling araw.
Malaya at payapang paggamit sa karagatan iginiit ni Pangulong Duterte sa China
Tiwala si Pangulong Rodrigo Duterte na dapat pa ring idaan sa mahinahon at mapayapang mga diskurso ang pagsasaayos ng sigalot sa agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea.
Iyan ang binigyang diin ng pangulo sa isinagawang round table talks sa pagitan ng Pilipinas at China sa Belt and Road Forum sa Beijing kahapon.
Naniniwala rin ang pangulo na kinakailangan ding maideklara ang West Philippine Sea bilang isang marine sanctuary upang magkaroon ng matatag at payapang paggamit sa mga karagatan alinsunod sa itinatakda ng international law.
Una nang inihayag ng pangulo sa high level meeting nuong Biyernes na ang Pilipinas at ASEAN bilang isang rehiyon ay nakapagbuo ng isang mekanismo para sa mapayapang pagtugon sa mga usapin ng territorial dispute.
“We built the current rules-based order because nobody wins in a zero-sum game. This brought us sustained peace and [unparalleled] prosperity. From building a global free trade regime to laying down the rules that govern the use of oceans, multilateralism allowed us to undertake global governance through cooperation,”
Kasunod nito, nanawagan ang pangulo sa iba pang mga bansa na suportahan ang adhikain nito na kapwa pakinabangan ng Pilipinas at China ang mga yaman ng karagatan nang walang tinatapakang soberanya.
Ginawa ng pangulo ang pahayag sa harap na rin ng pagiging agresibo ng China sa mga ginagawa nitong istruktura sa mga pinagtatalunang teritoryo lalo na sa mga artipisyal na islang itinayo rito.
“This is the premise of the Philippines’ engagement with the world. In pursuit of our independent foreign policy, we will uphold and defend the open and rules-based international order,”