Inaasahang babalik na sa normal ang mga flights sa Ninoy Aquino International Airport o NAIA ngayong araw.
Ayon kay Eric Apolonio, tagapagsalita ng Civil Aviation Authority of the Philippines o CAAP, papayagan na ang mga flights dahil paalis na ng bansa ang mga delegado ng APEC.
Sa halip na halos 300 flights, sinasabing 68 flights lamang ang pinayagan kahapon.
***
Kinailangan pang maghintay ng isang araw ng libu-libong pasahero matapos kanselahin ang kanilang flights sa Ninoy Aquino International Airport o NAIA dahil sa APEC Summit.
Isa sa mga pasahero na naperwisyo bunga ng flight cancellations ay si Attorney Raymond Fortun.
Himutok ni Fortun, dapat ay ala-1:00 ng umaga ang kanyang biyahe pauwi ng Pilipinas galing Vietnam, subalit nakansela ito bunsod ng no-fly zone.
Ayon kay Fortun, hindi ipinaalam ng Cebu Pacific ang flight cancellations kaya’t nagbanta itong kakasuhan ang airline bunsod ng perwisyong idinulot nito sa kanya.
By Jelbert Perdez | Raoul Esperas (Patrol 45)