Binaha ang ilang lugar at nakansela ang biyahe ng mga sasakyang pandagat sa mga pantalan dahil sa masamang panahon.
50 katao ang sinagip sa bayan ng Palapag, Northern Samar matapos ma stranded nang tumaas ang tubig sa Sangay-Napo river bunsod ng tuluy-tuloy na pag ulang dala ng bagyong Maring.
Sinuspindi naman ngayong araw na ito ang paglalayag sa mga port ng Liloan at San Ricardo, Southern Leyte matapos isailalim sa storm signal warning number 1 ang ilang lugar kabilang ang Surigao del Norte kung saan tumaawid ang mga barko mula Southern Leyte.
Pabugsu-bugso naman ang ulan kasama ang malakas na hangin nitong magdamag sa Tacloban City.
Mahigit 80 pasahero ang na stranded sa Tabaco port sa Albay matapos suspendihin ang mga biyahe papuntang Catanduanes.
Tiniyak ng Philippine Ports Authority na kaagad ibabalik sa normal ang biyahe ng mga sasakyang pandagat kapag inalis na ang storm signal.