Takbuhan ng mga may sakit na kanser ang St. Peregrine Laziosi Parish na matatagpuan sa Tunasan, Muntinlupa City.
Si St. Peregrine ang patron ng mga may sakit na kanser.
Isang paring Italyano si St. Peregrine ng Order of Servants of Mary na namuhay noong 13th century.
St. Peregrine Laziosi
Nagkaroon ng kanser sa paa si St. Peregrine at napagdesisyunang kailangan na itong putulin.
Sa gabi bago putulin ang paa ni St. Peregrine ay napaginipan nito si Kristo na hinaplos ang kanyang paa.
Pagkagising ay laking gulat ng lahat na gumaling ang kanyang kanser.
Ang St. Peregrine Laziosi Parish maituturing na ispesyal na simbahan.
St. Peregrine Laziosi Parish, Muntinlupa City
Ito ay dahil matatagpuan dito ang pinakamalaking relic sa buong Pilipinas.
Nasa pag-iingat ng simbahan ang bahagi ng buto ng hindi naagnas na katawan ni St. Peregrine.
“Rib bone” relic ni St. Peregrine
Isa sa mga nagdarasal dito at bahagi ng healing ministry ng parokya si Lourdes Esporlas.
Lourdes Esporlas, 66 taong gulang – breast cancer patient
Taong 1998 nang ma-diagnosed siyang may breast cancer dahilan upang tanggalin ang kanan niyang dibdib.
Makalipas ang 12 taon, tinanggal naman ang kaliwa niyang dibdib.
Pero hindi pa dito natapos ang kalbaryo ni Lourdes, 2017 nang kumalat sa iba pang bahagi ng kanyang katawan ang stage 4 cancer partikular sa kanyang buto, atay at baga.
Pero sa kabila ng matitinding pagsubok na kanyang pinagdaraanan, nananatiling matatag ang pananampalataya ni Lourdes sa Panginoon tulong na rin ng pagdarasal kay St. Peregrine.
“Ito pong kanser ko ay hindi ko itinuturing na pagsubok, ito ay itinuturing kong blessing sapagkat natuto akong manalangin sa Diyos, natuto akong humingi ng tawad, natuto akong magmahal.”
Payo ni Lourdes sa mga kapwa niya may sakit at lugmok sa kalungkutan…
“Huwag bigyan ng daan ang lungkot sa buhay, mayroon po tayong pag-asa, manalig lamang tayo sa Diyos.”
Si Lourdes kasama ng kanyang buong pamilya
Abangan ang iba pang kuwento ng himala at pananampalataya sa aming Siyasat: Haplos ng Himala bukas, Marso 24 sa ganap na 7:00–8:00 ng umaga.
—-