Naghahanda na ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) para sa paglilipat ng mga nakakulong sa tatlong piitan sa Albay.
Ito’y matapos itaas sa level 4 ang alert status ng Bulkang Mayon.
Ayon sa Direktor ng BJMP – Bicol na si Senior Superintendent Cesar Langawin, nakahanda na ang kanilang mga sasakyan upang madali na nilang mailikas ang mga preso.
Kabilang sa mga kulungan na kanilang binabantayan ay ang Guinobatan District Jail, Camalig District Jail at Ligao City Jail sa Albay.
Matatandaang sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na posibleng pumutok na anumang oras o anumang araw ang Bulkang Mayon.
Sinabi ng research specialist ng PHIVOLCS na si Paul Alanis na patungo sa timog-kanluran ang direksyon ng abo na mula ‘moderate to heavy’ ang bagsak.