Mas hihigpitan na ngayon ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang pag-iinspeksyon sa mga gamit na dala-dala ng mga bisita ng inmates.
Ito’y matapos wasakin ng BJMP ang mga kontrabandong nakumpiska mula sa mga preso sa iba-ibang bilangguan sa Region 10.
Ayon kay J/Supt. Ester Pepito, Regional Director ng BJMP-10, iba’t ibang kagamitan ang kanilang nakuha sa mga inmates, gaya ng cellphone, kitchen utensils, playing cards, sound system at dvd players.
Maliban din dito, marami rin aniyang nakuhang improvised bladed weapon tulad ng handle ng kutsara, pinatulis na toothbrush, lata at bote.
Sinabi ni Pepito na hindi na katakatakang nagiging creative ang mga “persons deprived of liberty”.
Maging ang mga dalaw umano ay nagiging kasangkapan din sa pagpupuslit ng kung anu-anong mga bagay sa loob.
Samantala, ang mga presong nahulihan ng mga kontrabando ay sinuspindi ang pribilehiyong makatanggap ng bisita.