Kasabay ng pagdiriwang ng araw ng mga puso kahapon, nagsagawa ng “Black Hearts Day” protest ang mga health worker sa harap ng Department of Health (DOH) Main Office sa Maynila.
Ito ay para ipagpatuloy ang panawagan na maging maayos ang pagbibigay ng gobyerno sa kanilang benepisyo at kompensasyon.
Ayon kay Alliance of Health Workers (AHW) National President Robert Mendoza, paulit-ulit silang nananawagan sa pamahalaan na ibigay ang nararapat na benepisyo para sa mga health workers at solusyunan ang malalang problema ng understaffing sa mga ospital.
Bukod pa dito, hindi din sang-ayon ang nasabing grupo sa bagong sistema sa pamamahagi ng allowance o ang One COVID-19 allowance ng DOH.
Ayon sa mga Health worker, hindi na nila maramdaman ang pagpapahalaga ng gobyerno dahil patuloy lamang silang binabarat sa kabila ng krisis sa COVID-19.
Matatandaang noong Bayanihan 2 ay nagkaroon pa ang mga health worker ng Special Risk Allowance (SRA), Active hazard duty pay, meals, accommodation at transportation pero nang niluwagan ang restriksiyon sa bansa ay unti-unti naring binabawasan ang mga benepisyo ng health workers. —sa panulat ni Angelica Doctolero