Isinisi ng isang peasant group na talamak na black sand mining ang anito’y worst flood na naranasan sa Cagayan at Isabela matapos bayuhin ng bagyong Ulysses.
Ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) bukod sa black sand mining talamak din ang illegal at legal logging sa lalawigan kaya’t hindi na nakakagulat ang sinapit nito.
Wala anitong dapat sisihin sa paglubog sa baha ng Cagayan at Isabela kundi ang DENR na nagbibigay ng permit sa mga ganitong operasyon na may go signal rin ng lokal na pamahalaan kapalit ng malaking kita.
Sinabi ni KMP President Danilo Ramos na matagal nang nananawagan ang mga mangingisda ng dredging o paghuhukay sa Cagayan river na ngayon pa lamang ipinag-utos ng DENR kung kailan nangyari na ang trahedya.
Inamin ni Ramos na bagamat naghihigpit sa black sand mining na pinagkakakitaan ng $50-M o halos P2.6-B marami pa rin silang nakikita Chinese vessels na nagsasagawa nito at itinatago ang iligal na operasyon sa dredging at mismong mga Pilipino pa ang nagbabantay dito.