Binatikos ni dating Agriculture secretary Manny Piñol ang aniya’y ‘blame game’ na ginagawa ni Agriculture Secretary William Dar sa outbreak ng African Swine Flu (ASF).
Tinukoy ni Piñol ang pahayag ni Dar na Mayo pa lamang o tatlong buwan bago sya naupo sa Department of Agriculture (DA) ay marami nang informal feedback hinggil sa mga posibleng kaso ng ASF.
Ayon kay Piñol, ipinapakita lamang ni Dar ang kawalan nya ng kaalaman sa ASF.
Ipinaliwanag ni Piñol na mayroong incubation period na apat hanggang 19 na araw ang ASF virus at kaya nitong patayin ang malaking papulasyon ng mga baboy sa loob lamang ng 48 hanggang 72 oras lamang.
Ibig anyang sabihin, kung totoo ang sinasabi ni Dar na nasa bansa na ang ASF noon pang Mayo, dapat ay nawalis na nito ang papulasyon ng lahat baboy ng backyard farmers sa Central Luzon at Rizal.
Magkagayunman, binigyang diin ni Piñol na hindi mahalaga kung pumasok ang ASF sa panahon nya sa DA o sa panahon ni Dar, ang malinaw anya ay hindi makatutulong sa problema ang paghahanap ng masisisi.