Muling binuhay ng Anti-Marcos group na (hashtag) #BlockMarcos ang panawagang hukayin at alisin ang labi ni dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Kasabay ito ng unang anibersaryo ng pagkakalibing ng dating pangulo sa Libingan ng mga Bayani ngayong araw.
Sa ipinalabas na pahayag ng (hashtag) #BlockMarcos, sinabi nito na kanilang inaalala ang Nobyembre 18, bilang araw ng matinding galit at paglaban.
Anila, kanilang ginugunita ang naramdamang kahihiyan sa nangyaring pagsawalang bahala sa hustisya at pahiwatig sa pagbabalik ng banta ng diktatorya sa bansa.
Nagbabala rin ang grupo na hindi sila mapapagod at titigil na magsagawa ng mga kilos protesta hangga’t hindi naaalis ang labi ni dating Pangulong Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Matatandaang, inilipad mula Ilocos Norte at inilibing ng pamilya Marcos sa Libingan ng mga Bayani ang dating pangulo sampung araw matapos ibasura ng korte suprema ang mga petisyon na kumokontra rito noong Nobyembre 8 ng nakaraang taon.