Hinimok ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar ang publiko na huwag husgahan ang Presidential Communications Office o PCO sa pamamagitan lamang ng mga personalidad na nagtatrabaho dito.
Ito ay kaugnay sa akusasyong kabilang ang blogger at Assistant Secretary ng PCO na si Mocha Uson sa mga umano’y nagpapakalat ng fake news o pekeng balita.
Binigyang diin ni Andanar na sa kabila ng mga kaliwa’t kanang kritisismo ay patuloy namang pinalalakas ng pamahalaan ang media channels nito na kinabibilangan ng PTV 4, Philippine Information Agency (PIA), Philippine News Agency (PNA), Radyo Pilipinas, Radio – Television Malacañang at Presidential Communications.
Kaugnay naman kay Uson, nilinaw ni Andanar na anumang isinusulat ng assistant Secretary sa blog nito ay personal at hindi kumakatawan sa buong PCO.