Kumpirmadong nagmula sa Colombia ang bloke-blokeng cocaine na narekober sa eastern seaboard ng bansa.
Ito, ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino, ay batay sa pagsusuring isinagawa sa Estados Unidos sa isa sa mga bloke ng cocaine na narekober sa Matnog, Sorsogon noong Enero ng isang taon.
Ang natagpuan aniya sa Matnog ay katulad ng mga cocaine block na narekober din sa eastern seaboard ng bansa.
Gayunman, hindi pa mabatid kung Medellin Drug Cartel ng Colombia ang nagbagsak ng mga iligal na droga sa karagatan.
“Nagkaroon tayo ng impurity drug profiling sa isang cocaine na galing ito sa Matnog, Sorsogon noong 2018, pinadala natin ito sa Amerika at lumabas nga na traditionally Colombian methodology ang manufacture nito, most likely Medellin Drug Cartel ito , hindi lang natin sigurado pa kaya humihingi tayo ng maayos na assessment sa USDEA para mabigyan din tayo ng tamang assessment atsaka tamang conclusion.”
Mahigpit na pagbabantay sa karagatan, tinututukan na ng PCG
Tinututukan na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang karagatan sa Central Visayas sa posibleng pagpasok ng bloke-blokeng cocaine.
Ayon kay PCG-7 Director, Commodore Ronnie Gil Gavan, iinspeksyunin nila ang mga coastal area sa Central Visayas partikular sa Cebu upang maiwasan ang pagpasok ng illegal drugs na ibinabyahe sa pamamagitan ng karagatan.
Sa ngayon aniya ay wala silang natatanggap na ulat na mayroon ding narekober na cocaine blocks sa Kabisayaan.
Aabot na sa 165 kilo ng cocaine ang narekober sa dalampasigan ng Surigao Del Sur, Surigao Del Norte, Aurora, Dinagat Islands, Davao Oriental at Camarines Norte simula pa noong Enero.
—-