Muling sumikwat ng panalo ang Ateneo de Manila University Blue Eagles sa 2018 William Jones Cup.
Nalusutan ng Blue Eagles ang Chinese Taipei sa score na 77-76 sa kanilang paghaharap sa balwarte ng host country sa Xinzhuang gymnasium sa Taipei, Taiwan, kahapon.
Ito’y sa pamamagitan ng buzzer-beater 3 point shot ng Ateneo point guard na si Matt Nieto sa huling tatlong segundo ng last quarter.
Hawak na ng Chinese Taipei ang momentum sa score na 76-74 matapos ang dalawang free throws subalit nabitin ang kanilang panalo makaraang mapunta kay Nieto ang bola at makalibre upang ipasok ang tres nang walang mga bantay.
Dahil dito, hawak na ng Ateneo ang kartadang 5-2 upang mapako sa ika-apat na pwesto.
Sunod na makakaharap ng mga basketbolistang Pinoy ang Iran, mamaya.