Humiling na ang Department of Justice ng Blue Notice sa International Criminal Police Organization o Interpol upang mapabilis ang paghahanap kay dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Ayon kay Justice Undersecretary Jesse Andres, sa pamamagitan ng Blue Notice, ma-oobliga ang mga bansang posibleng puntahan ng dating alkalde na magbigay sa kanila ng impormasyon kaugnay sa kinaroroonan nito.
Sa oras na matapos ang preliminary investigation sa iba pang mga kaso ni Guo, at maisampa ito sa korte, susunod namang hihilingin ng DOJ ang Red Notice sa Interpol .
Samantala, sinabi naman ni Justice Undersecretary Nicholas Felix Ty na batay sa kanilang impormasyon, nananatili pa rin sa Jakarta, Indonesia ang sinibak na alkalde ng Bamban.
Dagdag pa ni Usec. Ty, patuloy na nakikipag-ugnayan ang kanilang mga tauhan sa Immigration ng Indonesia.