Panatag ang Blue Ribbon Committee sa kaligtasan ng Pharmally Official Executive na si Krizle Grace Mago matapos mapunta ang kustodiya nito sa House of Representatives.
Ayon sa mga senador, natanggal ang kanilang pangamba matapos muling magpakita si Mago sa ginagawang pag-iimbestiga ng Blue Ribbon Committee.
Sa kabila nito, patuloy na pinagdarasal ng mga senador ang kaligtasan ni Mago at tuluyan nang maisiwalat ang buong katotohanan sa isyu ng pandaraya sa petsa ng mga face shield at iba pang medical supplies na binili ng pamahalaan sa kumpaniya ng Pharmally.
Samantala, nakikipag-usap narin ang senado sa Kamara para sa pagharap ng mga resource person sa susunod na imbestigasyon kung saan, mauuna ang lower house sa hearing sa darating na Lunes habang sa Martes naman isasagawa ang pagdinig sa Senate Blue Ribbon. — Sa panulat ni Angelica Doctolero