Naniniwala si Labor Secretary Silvestre “Bebot” Bello III na dapat alisin na ang board examination para sa mga nurse, engineer maging ang bar examination sa mga nais na maging abogado.
Ito ang pinalutang na ideya ni Bello batay sa pakikipag-usap niya sa mga opisyal ng iba pang government agency sa gitna ng mataas na demand para sa mga Filipino Nurse sa ibang bansa.
Sa virtual forum ng Department of Labor and Employment, inihayag ng kalihim na malaking tulong sana sa mga nursing, engineering, law graduates at iba pa kung wala ng board exam upang makapagtrabaho na agad.
Binigyang diin ni Bello na dagdag gastos ang board at bar exam bukod pa sa napakamahal na tuition fee ng nursing course at sa buong panahon ng pag-aaral ay maraming examination ang pinagdaanan ng mga estudyante.
Bagaman aminado ang labor secretary na maaaring maging isa ito sa kanyang panukalang batas kung magiging bahagi ng kongreso, nilinaw ng opisyal na masyado pang maaga upang magdesisyon kung sasabak sa halalan sa 2022. —sa panulat ni Drew Nacino