Nagulo ang konsultasyon sa bayan ng Irosin, Sorsogon kaugnay sa anti-coronavirus disease 2019 (COVID-19) information caravan ng lalawigan.
Kasunod ito nang pagsasaboy ng tubig ni Board Member Ed Atutubo kay Konsehal Salome Navales matapos ang sagutan ng mga ito hinggil sa layunin ng nasabing caravan dahil sa concern ng konsehal na gawin sa ibang paraan ang nasabing hakbangin.
Iginiit ni Atutubo na nakasaad mismo sa Executive Order No. 12 na inisyu ni Sorsogon Governor Chiz Escudero ang pagbuo ng COVID-19 Task Force on Information Dissemination para mabigyan ng sapat na kaalaman ang mga kabataan sa lalawigan sa mga dapat gawin upang maiwasan ang hawahan sa COVID-19.
Itinanggi ni Atutubo ang alegasyon ng konsehala na nilapitan lamang niya para ipakita ang mga litrato ng ilang residente sa bayan na hindi simusunod sa health protocols at aksidente lamang ang pagkakatapon ng tubig mula sa hawak niyang bottled water sa damit nito.
Hindi naman natapos ang kaguluhan nang suntukin umano ni Atutubo si Municipal Administrator Lorenzo Ubalde na inamin ng bokal subalit hindi aniya siya ang nauna at nagkaayos naman sa bandang huli.
Subalit ipina-blotter at ipinaabot na ni Navales sa Department of the Interior and Local Government (DILG) ang ginawa sa kanya ni Atutubo.
Binigyang diin ni Atutubo na walang kinalaman sa pulitika ang information caravan.