Bumuo na ng Board of Inquiry o BOI ang Armed Forces of the Philippines (AFP) upang imbestigahan ang pagpatay sa mga Lumads ng di umano’y mga miyembro ng paramilitary group sa Surigao del Sur.
Ayon kay Col. Restituto Padilla, Spokesman ng AFP, may ginagawa nang imbestigasyon ang Board of Inquiry sa 4th at 10th Infantry Division ng Philippine Army na nakakasakop sa lugar ng mga Lumads.
Sinabi ni Padilla na hindi isinasantabi ng AFP ang mga alegasyon na sangkot ang military sa pagkakapatay sa mga lider ng Lumads.
Kung may sala man aniya ang military, ito ay ang kabiguan nilang makatugon agad nang mangyari ang karahasan sa lugar ng mga Lumads.
“Mga nagsasabing malaki ang pagkakamali ng gobyerno at ng Armed Forces o ng Army ay allegations, kung alegasyon po ito i-submit po natin ito sa masusuing pag-iimbestiga para malaman natin kung ano talaga ang nangyari at huwag lang tayong bato ng bato ng anumang akusasyon. May nakikita po na isang maaaring omission na nagawa ang ating mga tropa na hindi pagtugon sa lugar kung saan naganap ang pangyayari, ito ay tinitignan nang mabuti at ilalabas natin ito sa tamang panahon.” Ani Padilla.
Binigyang diin ni Padilla na posibleng mayroong tribal conflict na nangyayari sa lugar ng mga Lumads na nagresulta sa pagpatay sa mga lider ng Lumads.
Hindi aniya maiaalis na mayroong sympathizers ang gobyerno sa lugar at mayroon din namang ang simpatiya ay nasa mga komunista sa lugar.
Sinabi ni Padilla na mayroon namang sariling security measures ang mga tribo na hindi pinakikialaman ng AFP.
“Maaari ko rin pong ipakiusap at sa mga nag-aakusa sa atin na tingnan din po nila ang hinihinging karapatan ng mga namatay na Lumad noong mga nakaraang araw at nakaraang taon kasi may mga insidente po dito sa lugar na ito na mas madami pa pong katutubo ang namatay at ang may kagagawan po ay ang kabilang panig, so kung maaari po ay tignan din po ito para naman hindi lang po itong humihingi ng hustisya sa ngayong pangyayaring ito ang mabigyan ng hustisya kundi pati ang mahigit 300 na namatay pa po noong mga nakaraang taon.” Pahayag ni Padilla.
By Len Aguirre | Kasangga Mo Ang Langit