Bumisita sa Kampo Crame ang inspector general ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na si M/Gen. Franco Nemecio Gacal.
Ito’y upang makipagpulong kay Philippine National Police (PNP) Internal Affairs Service Inspector General Atty. Alfegar Triambulo.
Sa nasabing pagpupulong, napagkasunduan ng AFP at PNP na bumuo ng board of inquiry (BOI) na siyang tututok naman sa nangyaring pagpatay ng mga pulis Jolo sa apat na sundalo sa Sulu noong isang linggo.
Ayon kay PNP Chief P/Gen. Archie Gamboa, itatatag ang BOI upang mapagbuti ang operational procedure ng AFP at PNP at maiwasang maulit ang naturang pangyayari at mapunan ang kanilang mga pagkukulang.
Samantala, sinabi naman ni Gamboa na nagkausap sila ni Pangulong Rodrigo Duterte at pinayuhan naman siyang tanggapin ang magiging desisyon ng National Bureau of Investigation (NBI) upang managot ang dapat managot sa nangyari.