Patay sa pamamaril ang board secretary ng Philippine Charity and Sweepstakes Office (PCSO) at sugatan ang driver nito sa Mandaluyong City.
Ayon sa mga otoridad ang biktimang si retired General Wesley Barayuga na nagtamo ng apat na tama ng kalibre .45 baril ay kakagaling lamang sa board meeting nang tambangan ng mga suspek.
Sinabi ni Mandaluyong Police Chief Colonel Hector Grajaldo na nakita sa CCTV footage na tinabihan ng mga suspek ang minamanehong government vehicle ng driver ng opisyal at nang makakita ng pagkakataon ay kaagad pinagbabaril si Barayuga.
Isinugod naman sa ospital ang driver nitong si Jojo Gunao.
Iniimbestigahan na ng mga otoridad ang krimen partikular ang motibo sa pagtumba sa PCSO official.