Inihirit ni Customs Commissioner Nicanor Faeldon kay Pangulong Rodrigo Duterte ang paglikha ng isang kumite na mag-i-imbestiga sa 6.4 billion Pesos na halaga ng smuggled shabu na napaulat na nawawala.
Ayon kay Faeldon, nais nilang tutukan ng naturang kumite ang bawat detalye at alamin ang katotohanan sa likod ng malaking shipment ng iligal na droga.
Hiniling na rin niya sa World Customs Organization na tukuyin ang mga issue hinggil sa “risk management system and smuggling.”
Samantala, inihayag ni Faeldon na isang magandang development ang nakatakdang pagsipot sa hearing ng Kamara ang suspended BOC Risk management Officer na si Larribert Hilario, mamaya.
Si Hilario ang itinuturong nasa likod ng pagpapalusot sa 6.4 bilyong pisong halaga ng shipment ng shabu mula sa China.
Ayon kay House Majority Leader Rodolfo Fariñas, nasa protective custody ng Kamara na tinukoy na siyang naglagay sa green lane sa shipment ng EMT Trading na natuklasang iligal na droga.
Naniniwala si Fariñas na si Hilario ang siyang magbibigay linaw sa misteryo sa paglusot ng malaking bulto ng shabu sa BOC.
By Drew Nacino / Rianne Briones