Itinanggi ng Bureau of Customs (BOC) na marami pang kargamento ng medical supplies tulad ng personal protective equipment (PPE) ang iniipit ng ahensya.
Ayon kay Deputy Commissioner Vincent Philip Maronilla, bago pa man dumating ang shipment ay kumukuha na sila ng impormasyon tungkol dito upang mapabilis ang pagpapalabas nito pagdating sa bansa.
Batid anya ng BOC ang kahalagahan ng mga medical supplies sa panahon ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) kaya’t nagrelax na sila ng mga panuntunan.
Sa ngayon anya ay nakapagproseso na sila ng 3,000 kargamento ng PPEs at iba pang medical supplies na donasyon at commercial importation.
Express lane na po sa amin ‘yan, even po ‘yung mga donation papunta sa Department of Health at ibang donations po, less than a day naman po lahat ng kargamento ng PPEs pati po ang mga medical and emergency equipment –pinapalabas po natin ‘yan, less than a day ang processing. Kung may mga kulang man pong requirements, hinahayaan po naming ipasa nalang ‘yan pagkatapos pong irelease, gusto po namin maidala muna sa nangangailangan,” ani Maronilla.
Sa kabila nito, tiniyak ni Maronilla na mayroon silang sistema upang matiyak na hindi maaabuso ang pagiging maluwag nila sa kasalukuyan.
Mayroon pa rin pong namamantala sa ganito nang klaseng krisis, so, kailangan pong nagbabantay pa rin tayo. Pati po sa pag-aabuso sa pagpaparating ng PPEs and other protective equipment, ‘yung mga data na ‘yan, shine-share po namin sa DTI consumer group pati po sa National Bureau of Investigation para po masiguro nila na itong mga taong nag-iimport at nagbebenta nitong mga equipment na ‘to ay hindi po inaabuso itong presyo at hindi po hino-hoard ang supplies,” ani Maronilla. —sa panayam ng Ratsada Balita