Mahigpit na pinababantayan ng Bureau of Customs (BOC) sa mga tauhan nito sa ibang tanggapan ang mga papasok na produktong pang-agrikultura sa bansa.
Ayon kay BOC acting commissioner Yogi Filemon Ruiz, partikular na rito ang mga kontaminadong agricultural products na mula sa mga bansa na pinagbawalan ng Department of Agriculture (DA).
Kasama rito ang mga wild birds maging ang produkto nito tulad ng poultry meat, day-old chick at itlog mula sa mga bansang apektado ng highly pathogenic avian influenza.
Kabilang din ang mga live cattle o baka, meat products mula sa mga bansang may bovine spongiform encephalophaty.
Mga domestic at wild pigs at produkto nito gaya ng pork meat, pig skin at processed animal proteins mula naman sa mga bansang may kaso ng African Swine Fever.
Samantala, pinamo-monitor din ng BOC ang mga hayop na pinaghihinalaang may kaso ng foot and mouth disease(FMD) at mga isda na hindi pinapayagang i-import tulad ng piranha, janitor fish, knife fish at blackchin tilapia.