Muling nagbabala sa publiko ang Bureau of Customs (BOC) hinggil sa kumakalat na love scam at iba pang modus ngayong holiday season.
Ayon sa BOC, dapat maging alerto ang publiko sa ganitong uri ng modus kung saan, tumatawag at nagpapadala umano ng text messages ang mga salarin sa kanilang mga biktima.
Bukod pa dito, tinatarget din nila ang email ng kanilang bibiktimahin upang magpadala ng parcels sa isang consignee para manghingi ng pera.
Matatandaang may ilang mga dayuhan ang nagreklamo sa mga otoridad matapos makatanggap ng mga bagahe sa kanilang bahay na kanilang binayaran ng mahigit tatlumpung libong piso.
Paalala ng BOC, dapat maging mapanuri ang publiko sa mga dumarating na parcels sa kanilang bahay at kung may mapansing kahina-hinala o makatanggap ng ganitong uri ng sitwasyon, agad itong ipagbigay alam sa kinauukulan para mapigilan ang anumang uri ng panloloko.