Pansamantalang inilipat ng Bureau of Customs o BOC Port of Manila ang opisina nito sa gymnasium ng ahensiya sa South Harbor Manila.
Ito ay kasunod ng nangyaring sunog sa gusali ng BOC Port of Manila kagabi.
Ayon kay International Container Terminal District Collector at BOC spokesperson Erastus Austria, pansamantalang ililipat sa BOC Gymnasium ang tanggapan ng formal entry division ng Port of Manila para matiyak na hindi mababalam ang operasyon at serbisyo nito.
Makikipag-ugnayan din aniya ang Port of Manila sa mga kalapit na ahensiya ng pamahalaan tulad ng Philippine Ports Authority at Maritime Industry Authority para pansamantala rin nilang magamit ang mga pasilidad ng mga ito.
Pasado alas nuwebe kagabi nang masunog ang ikatlong palapag ng gusali ng Port of Manila – BOC na umakyat pa sa ika-limang alarma bago nadeklarang under control dakong alas kuwatro ng madaling araw kanina.