Tuloy ang pina-igting na kampanya ng Bureau of Customs o BOC laban sa mga importer at manufacturer ng smuggled at fake cigarettes.
Tiniyak ito ni Customs Commissioner Nicanor Faeldon matapos mag isyu ng temporary restraining order o TRO ang Manila Court na pumipigil sa customs na mag raid o mag inspeksyon sa mga bodega ng Mighty Corporation mula March 3 hanggang March 23.
Ayon kay Faeldon, iginagalang nila ang TRO subalit ikakasa nila ang lahat ng legal na paraan para kontrahin ang nasabing tro.
Sinabi ni Faeldon na babantayan pa rin nila ang mga bodega ng Mighty Corporation para masigurong ang mga nasabat na sigarilyo ay hindi mata tamper o mapapalitan ng mga hindi lehitimong produkto.
SOJ Aguirre nagpalabas ng look out bulletin vs may-ari ng Mighty Corporation
Nagpalabas ng look out bulletin si Justice Secretary Vitaliano Aguirre laban sa may ari ng Mighty Corporation at kapatid nito.
Sa kanyang memorandum, pinababantayan ni Aguirre sa immigration ang posibleng tangkang paglabas ng bansa ni Alexander Dy Wong Chu King at Caesar Dy Wong Chu King.
Una nang nakipag pulong sina Aguirre at National Bureau of Investigation o NBI Director Dante Gierran kay Alexander Wong Chu King na tiniyak naman ang pakikiisa sa anumang imbestigasyon hinggil sa alegasyong dawit sa smuggling ang kanilang kumpanya.
By Judith Larino |With Report from Bert Mozo