Patuloy na umaapela ang mga empleyado ng Bureau of Customs (BOC) sa IATF at sa pamunuan ng BOC na tignan ang kanilang kalagayan dahil sa dumaraming bilang ng mga nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Bureau of Customs Employees Association (BOCEA) President Rommel Francisco, sa NAIA at Port of Manila pa lamang ay nasa mahigit 44 na ang nagpositibo sa COVID-19.
Sumulat na anya sila sa Department of Health (DOH) para pasyalan sila at bigyan ng dagdag na kaalaman kung paano sila makakaiwas sa virus dahil humaharap sila sa mga dumarating na pasahero at mabigyan sila ng PPE’s kung kinakailangan.
Sinabi ni Francisco na lumiham na rin sila kay Customs Commissioner Rey Leonardo Guerero subalit tila hindi pa sila napapansin.
Ang pinagtataka namin hinihintay namin yung order sa taas kasi yung sa MICT kung matatandaan ninyo nung nag-positive yung isa dun, isa lang ang nag-positive nag-lockdown sila pero sa kaso ng NAIA at Port of Manila higit na yung nagkaroon ng COVID-19– nag-positive hindi kami nag-lockdown kaya hindi namin maintindihan ba’t ganun. Yun nga ang nire-raise namin concern kay Commissioner sa mga sulat namin pero wala, hindi ko lang alam kung nakarating sa kanya yung sulat namin o talagang hindi napansin,” ani Francisco. — panayam mula sa Ratsada Balita.