Nakahanda na ang mga body bag at libingan para sa mga residente ng Libacao sa Aklan, na lumalabag sa health at safety protocols.
Ayon ito kay Mayor Charito Navarosa bilang babala sa mga aniya’y pasaway nilang residente na hindi alintana ang malaking panganib ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) na sadyang nakakamatay pa.
Ipinabatid ni Navarosa na nakakasa na ang 100 body bags at 20 catacombs bilang paalala sa publiko na kailangang mag doble o triple ingat laban sa COVID-19 na patuloy pa rin ang pagtaas ng kaso.
Kasabay nito, ipinasara muna ang rural health unit ng munisipyo ng Libacao matapos magpositibo sa COVID-19 ang ilang empleyado rito at siyam na bahay ang isinailalim sa surgical lockdown.
Tiniyak ni Navarosa ang regular na disinfection at paglilinis sa kanilang palengke, municipal building, mga kalye, paradahan at municipal health office para makaiwas sa COVID-19.