Patay ang security personnel ni Pilar, Abra Vice Mayor Jaja Josefina Disono sa naganap na shooting incident sa Barangay Poblacion, kahapon.
Pauwi na si Disono mula sa munisipyo nang maganap ang insidente na kanyang tinawag na ambush.
Tumigil ang convoy ng bise alkalde sa checkpoint saka umandar pero hiniling pa umano ng mga pulis sa kanyang security personnel na sakay sa isa pang sasakyan na bumaba.
Gayunman, batay sa ulat mula sa Regional Mobile Force Battalion 15, alas diyes y medya ng umaga nang hindi umano pansinin ng isang Toyota Hi-Ace Van ang checkpoint matapos na patigilin ng mga pulis.
Ayon sa Police Regional Office-Cordillera (PROCOR), dalawa sa kanilang mga tauhan, na nagsilbing rear security ang binangga ng sasakyan ng bise alkalde.
Hinabol ng police mobile ang tumakas na Hi-Ace kung saan pinaputukan pa ng mga sakay nito ang sasakyan ng mga pulis.
Samantala, nilinaw ni PROCOR Chief, Brig. Gen. Ronald Lee na hindi ambush ang nangyari dahil nilampasan ng convoy ni disono ang PNP checkpoint habang sinagasaan at pinaputukan pa ang dalawang pulis.