Tuloy ang isasagawang plebisito para sa Bangsamoro Organic Law (BOL) sa Enero 21 ng susunod na taon.
Ito ang tiniyak ni COMELEC Chairman Sheriff Abas sa kabila ng kawalang katiyakan sa pondong gagamitin para sa plebisito.
Sa naging pagtatanong ni Amin Party-list Representative Makmod Mending Jr. sa pagdinig ng House of Representatives sa pondo ng COMELEC para 2019, lumabas na walang alokasyon para sa BOL plebiscite sa 2019 General Appropriations Act.
Ipinaliwanag naman ni Lanao Del Norte Representative Khalil Dimaporo na ang dahilan nito ay dahil naisabatas ang BOL noong Hulyo 20, ilang araw matapos maisumite ng Malakanyang sa Kongreso ang kanilang proposed 2019 budget.
Gayunman tiniyak ni Dimaporo na maaaring gamitin ng COMELEC ang kanilang savings mula sa katatapos na barangay election at ang kakulangan ay maaaring nang punan ng Malakanyang.
Sinabi naman ni Abas na maaaring kunin ang nasa P857 milyon na kinakailangang pondo para sa plebisito mula sa contigency fund ni Pangulong Rodrigo Duterte.