Nakahanda na ang PNP – EOD o Philippine National Police Explosive and Ordinance Division na magpadala ng kanilang mga bomb squad experts sa Marawi City.
Ito ay matapos na ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte kay PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa na ipadala ang mga bomb expert mula Davao City sa Marawi City para tumulong sa nagpapatuloy na giyera doon.
Ayon kay PNP – EOD Head Senior Superintendent Remedio Gregorio, naghihintay na lamang sila ng order para malaman kung ilan at kailan magtutungo ang mga kinakailangang bomb experts sa Marawi City.
Bukod dito, sinabi ni Gregorio na nakahanda na rin ang kanilang mga kagamitan tulad ng open light bomb suit, x-ray at iba pa.
Pinag-aaralan na rin aniya nila kung kakailanganin pang kumuka ng ibang mga bomb expert mula sa ibang PNP regional offices para makapagbigay ayuda sa Marawi City.