Isusulong si Senator Elect Christopher Bong Go ang pagpapalawig sa termino ng mga nakaupong barangay at sangguniang kabataan.
Ayon kay Go, sa pagsisimula ng 18th Congress ay maghahain siya ng panukalang batas para ilipat ang nakatakdang barangay at sangguniang kabataan mula 2020 ay gawin ito sa 2022.
Paliwanag ni Go, hindi kasalanan ng mga nahalal na barangay at SK official na maging dalawang taon na lamang ang kanilang panunungkulan bunsod na rin ng pagkakalipat ng barangay elections noong May 2017 sa May 2018.
Sakaling maisabatas, may kabuuang apat na taon ang magiging pagsisilbi ng mga opisyal ng barangay at SK bago ang eleksiyon sa 2022.
NAMFREL mariing tinutulan ang panukala ni Sen. Bong Go
Mariing tinutulan ng NAMFREL o National Citizen’s Movement for Free Elections ang panukala ni Senator Elect Bong Go na muling ipagpaliban ang eleksiyon sa 2022.
Ayon kay NAMFREL Secretary General Eric Alvia, hindi katanggap tanggap ang panibago na namang pagkilos para i-postpone ang halalan.
Aniya, sa ilalim ng Duterte administration ay dalawang beses nang naipagpaliban ang halalan sa barangay at SK.
Sinabi ni Alvia na mariin nilang kokontrahin ang ganitong pagkilos lalo pa’t ito ay paglabag sa demokrasya.