PARA sa aktor at lead convenor ng United Filipino Artist na si Cesar Montano, kung gusto ng mga Pilipino ng pag-unlad ng bansa at muling pagbangon sa ekonomiya, nararapat lamang na suportahan si presidential bet Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at kanyang running-mate na si Inday Sara Duterte.
“Malinaw na if you’re a true Filipino and you want progress for our country, susuportahan mo si BBM at si Sara. Itong combination ng North and South, nag-iisa lang ito at kung totoong Pilipino ka susuportahan mo sila,” ayon kay Montano, na dati ring chief operating officer ng Tourism Promotions Board (TPB).
Nagpalabas ng pahayag ang aktor sa pirmahan ng memorandum of agreement (MOA) sa pagitan ng UniTeam at mga leader ng mahigit sa 300 political, social, civic at cultural groups sa buong bansa na sumusuporta kay Sen. Bong Go.
Ang naturang grupo ang sinasabi ring may malaking ambag sa pagkakaluklok ni Presidente Duterte noong 2016 elections at maging kay Go noong tumakbo itong senador noong 2019 midterm elections.
Sa isang pulong kay BBM-Sara UniTeam national campaign manager Benhur Abalos sa Great Eastern Hotel sa Quezon City, nanumpa rin ang mga lider ng tinaguriang “Let’s Go-UniTeam Coalition” bilang pagpapakita ng suporta sa UniTeam.
“Sumanib kami dito sa coalition para sa ikabubuti ng bayan. Para matapos na ang mga problema ng bansa. Alam naman natin na with Bongbong, we’re in good hands. Siksik, liglig, umaaapaw. Milyon-milyon ang mga miyembro nito dahil this is a confederation of different groups,” ayon kay Emily Garcia, asawa ni Camp John Hay President Allan Garcia.
Samantala, ayon naman sa tagapagsalita ng Pasig City Muslim Consultative Council (PCMCC) at Pasig Muslim Federation, isang organisasyon na mayroong mahigit 35,000 miyembro, susuportahan nila ang UniTeam dahil naniniwala sila sa kakayanan ni Marcos at siguradong makikinabang ang bansa sa isang Marcos presidency.
“Naniniwala kami sa kakayahan ni BBM. Advantage para sa lahat pag siya ang naging president. Isa pa, kaya namin sila susuportahan para sa proteksyon ng bansa, para di na mabalik sa dati nating kalagayan na niloko tayo ng mga dilaw,” ani Souhailei B. Amir, na siya ring PCMCC Youth Sector chairman.
Si senatorial candidate Greco Belgica, ang pinuno naman ng PDDS Party ang nanguna sa pagbuo ng koalisyon sa UniTeam.
Pinasalamatan naman ni Abalos ang mga grupo na isa umanong katuparan sa kanilang pangarap na makuha ang suporta ni Duterte at Go.
“Ito ang aking matagal ng pinapangarap, ang pagsasanib ng pwersa ng Duterte, Bong Go at Marcos. Ngayong araw na ito, ang isa sa mga grupong nagpanalo kay Pres. Duterte noong 2016 at nagpataas kay Sen. Bong Go mula No. 23, naging No. 3 noong 2018, ngayon kasama na sa UniTeam. Hindi na nila tayo pwedeng madaya. Ngayon, nandito tayo sa punto na magdedefine sa ating kinabukasan,” ayon kay Abalos.
Bago ang MOA-signing, naglabas din ng resolusyon ang grupo na lumilikha sa “Let’s Go-UniTeam Coalition.”
Sa kanilang resolusyon, iginiit nila na si Marcos ang lider na kailangan ng bansa para maituloy ang pag-unlad at mga magagandang proyekto ng Duterte administration. Ang pagkakaisa rin na isinusulong ni Marcos ang siguradong magbabangon sa bansa mula sa pandemya.
“WHEREAS, in accordance with the endorsement of Mayor Sara “Inday” Z. Duterte-Carpio, BBM is the only best skilled, capable and efficient leader amongst all other candidates to lead the country as shown in his vast experience as local chief executive and legislator,” Anang resolusyon.