Nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) si dating Senador Bongbong Marcos.
Batay ito sa ipinalabas na resulta ng pagsusuri ng Research Institute for Tropical Medicine sa senador noong Marso 28.
Ayon kay Atty. Victor Rodriguez, tigapagsalita ni Marcos, bumubuti na ang kondisyon ng dating Senador at kasalukuyang nagpapagaling sa isang isolation area.
Aniya, pagkagaling ng Europa ni Marcos, agad itong nagtungo sa isang ospital matapos makaranas ng pananakit ng dibdib noong Marso 14.
Gayunman, dahil sa dami ng pasyente, umuwi na lamang ang senador at hindi na nagpumilit pang maasikaso.
Sinabi pa ni Rodriguez, lumabas na lamang ulit ng kanyang kuwarto ang senador noong Marso 22 para magtungo sa emergency room ng kaparehong ospital matapos makaranas ng hirap sa paghinga at saka isinailalim sa COVID-19 test.
Binigyang diin din ni Rodriguez na sinusunod ni Marcos ang health protocol at tinutupad ang proseso sa umiiral na gamutan tulad ng pagsusuot ng face mask at pagsasailalim sa quarantine. —ulat ni Cely Ortega-Bueno (19)