Pinag-iinhibit ni dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos si Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen sa pagtalakay sa kaniyang election protest laban kay Vice President Leni Robredo.
Sa kaniyang isinampang manifestation at motion, hiniling ni Marcos sa Korte Suprema na tumatayong presidential electoral tribunal na ipag-utos ang re-raffle sa kanyang election protest sa ibang mahistrado at maresolba ang lahat ng nakabinbing usapin kaugnay sa naturang kaso.
Iginiit ni Marcos sa pamamagitan ng kaniyang mga abogado na bias si Leonen sa Pamilya Marcos na una nitong ipinakita sa ipinalabas na dissenting opinion sa isyu ng paglilibing sa dating pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Tinukoy din ng kampo ni Marcos ang prejudgment ni Leonen sa election protest ng dating senador laban kay Robredo. —ulat mula kay Bert Mozo (Patrol 3)