Suportado ni Presidential Aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. ang pagbibigay ng mga booster shots sa mga tsuper sa harap ng unti-unting pagbubukas ng ekonomiya sa gitna ng pandemyang COVID-19.
Ayon kay Marcos, maraming tsuper at operators ng mga public utility vehicle (PUV) ang kakailanganin upang maserbisyuhan ang mga tao na umaasa sa pampublikong transportasyon.
Dagdag pa ni Marcos na mas kakailanganin ng nga PUV workers ang proteksiyon na ibibigay ng mga booster shots dahil mas lantad sila sa pagkakaroon ng Coronavirus.
Kasabay nito, hinikayat rin ni Marcos ang Department of Transportation (DOTr) na makipagtulungan sa mga transport groups upang masiguro na mas maraming tsuper at mga operator ang mabakunahan laban sa COVID-19.
Kamakailan ay pinayagan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) na maitaas sa 70% ang public transport capacity sa bansa simula nitong November 4.