PINURI ni Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard bearer Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., at itinuturing na malaking tagumpay sa lehislatura ang paglikha ng isang departamento na tutugon sa mga problema ng mga kababayan natin sa ibayong dagat.
Matatandaang nilagdaan nitong nakaraang Huwebes ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang Republic Act 11641, o kilala sa tawag na “ An Act Creating the Department of Migrant Workers.”
Binati rin ni Marcos Jr. ang Kongreso sa pagtulong kay Pangulong Duterte para maisakatuparan ang kanyang pangako na pangalagaan ang kapakanan ng mga OFW pati na rin ang mga naiwan nilang pamilya dito sa bansa.
“After four decades of overseas employment, our modern-day heroes will now have their own home in the bureaucracy,” ani Marcos Jr.
Ani Marcos na malaki ang maitutulong ng departamento (Department of Migrant Workers) sa mga suliraning kinahaharap ng mga OFW.
Nanawagan naman si BBM sa pamahalaan sa agarang pagpapatupad ng batas at mabuo agad ang Department of Migrant Workers (DMW) para matulungan ang mga OFW lalo na ngayong patuloy pa rin ang pananalasa ng pandemya sa bansa.
“This new department serves as President Duterte’s institutional love letter to OFWs around the world and their families here at home,” ani Marcos Jr.
Dagdag pa ng presidential aspirant na mayroon nang maituturing na pangalawang tahahan ang OFWs na tutugon sa kanilang mga kinahaharap na suliranin bilang isang migrant workers.
Matatandaan na mismong si Pangulong Duterte ang nag-certify ng Migrant Workers Act na kabilang sa mga priority bill ng kaniyang administrasyon nitong nakaraang Marso.
Sa bagong batas na ito, ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ay magiging Department of Migrant Workers. Ang bago nitong mandato ay tutukan ang lahat ng polisiya para maprotektahan ang kapakanan at interes ng mga OFW.
Ang DMW ang magre-regulate sa recruitment, employment at deployment ng mga OFW. Trabaho rin ng departamento na mag-imbestiga at magsampa ng kaso na may kaugnayan sa illegal recruitment at human trafficking ng mga OFW.
Ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) naman ang magiging attached agency ng bagong itatatag na departamento.
Ayon naman kay Marcos Jr. na sa kabila ng pagbibigay-proteksyon sa mga OFW, dapat na ring paramihin pa ang mga trabaho dito sa bansa.
“Though our economic policy must remain focused on local job generation, we cannot prevent foreign employers from seeking out our workers, because they are truly (among) the best in the world,” ani Marcos Jr.