Muli na namang nagmarka ang Pilipinas sa mapa ng mundo matapos mapasakamay ng isang paaralan mula sa Bayambang, Pangasinan ang top prize dahil sa pagmamahal sa kapaligiran.
Itinanghal na kampeon at nakuha ng Bonuan Boquig National High School ang environmental action prize ng World’s Best School prizes dahil sa pagtatanim ng mangroves at pagbibigay ng bagong tirahan para sa mga isda.
Pinadapa ng nasabing paaralan ang International School of Zug and Luzern ng Zug, Switzerland at Green School ng Bali, Indonesia.
Kinikilala sa nasabing award ang kahalagahan ng mga kabataan, estudyante at mga paaralan sa pagtugon at pagresolba sa mga usapin ng global warming at climate crisis.
Ang winning entry ng BBNHS na mangrove planting project ay una nang inilunsad nuong 2010, isang taon matapos salantain ng matinding pagbaha ang Dagupan City kung saan nasira ang daan-daang ektarya ng bangus ponds na siyang pagkakakitaan ng mga residente ruon.
Sinabi ni BBNHS Principal Renato Santillan na ang premyo nilang 50,000 US dollars ay gagastusin sa pagtatayo ng Mangrove Nursery.