Dapat umanong isama sa prayoridad ng Pamahalaan ang booster shots at Special Risk Allowances SRA ng mga guro.
Ito ang apela ni House Deputy Minority Leader Stella Quimbo sa pamahalaan matapos maghain ng isang resolusyon upang matugunan ang pangangailangan ng mga guro na sumasabak ngayon sa ipinatutupad na face-to-face classes.
Base sa House Resolution 2410, dapat na maprayoridad ng Department of Education DepEd ang mga guro na magpa-participate sa face-to-face classes at isama ang mga ito sa pangunahing mabibigyan ng booster shots dahil nahaharap sila sa mataas na banta ng Omicron variant ng COVID-19.
Sinabi pa ni Quimbo na ang booster shots ay makakatulong para magkaroon ng dagdag na proteksyon para sa mga guro.
Bukod pa dito, ang SRA ay magagamit sa pagbili ng kanilang personal protective equipment (PPE) at panggastos sakaling sila ay magkasakit. —sa panulat ni Angelica Doctolero