Dapat payagan ng pamahalaan ang mga batang edad 12 hanggang 17 na makatanggap ng booster shot laban sa COVID-19 bago magsimula ang pasukan sa Agosto.
Ginawa ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion ang pahayag matapos na ipagpaliban ang pamamahagi ng first COVID-19 booster dose sa mga non-immunocompromised sa nasabing age group dahil sa “glitches” sa Health Teachnology Assessment Council (HTAC).
Paliwanag niya na dapat mabigyan ng booster ang mga bata para sa proteksyon dahil nalalapit na ang pagbubukas ng mga paaralan para sa in-person classes.
Umapela na rin aniya sila sa HTAC na aprubahan ito gayundin ang booster shot sa mga edad 50 pataas.
Nabatid na sinabi ni National Vaccination Operations Center (NVOC) chair at Health Undersecretary Dr. Myrna Cabotaje na nagbigay ng kondisyon ang HTAC kung saan mabibigyan lamang ng booster ang mga walang sakit o healthy na edad 12 hanggang 17 taong gulang na menor de edad kung aabot sa 40% ang booster coverage ng mga senior citizen sa kani-kanilang lugar.
Samantala, nakikipag-ugnayan naman si Cabotaje sa HTAC ukol sa naturang kondisyon.