Irerekomenda na ng National Basketball Association (NBA) sa kanilang mga manlalaro, mga coaches at mga referees ang pagpapaturok ng booster shot laban sa COVID-19.
Ayon sa NBA Authority, dapat umanong makatanggap ng ikatlong bakuna ang mga sakop ng NBA lalo na sa mga naturukan ng single-dose Johnson & Johnson vaccine.
Sa pahayag ng NBA Public Health and Infectious Disease Experts, ang mga nakatanggap ng nasabing bakuna ng mahigit dalawang buwang nakalipas ay kailangang makapagpaturok ng booster shot.
Bukod pa dito, kailangan ding magpabooster shot ang mga nakatanggap ng Pfizer at Moderna vaccines anim na buwan matapos ang pagpapaturok.
Handa naman umano ang mga manlalaro, coaches at referees sa nabanggit na rekomendasyon sakaling maging available na ang booster shot.
Nabatid na humigit-kumulang 97% ng mga manlalaro ng NBA ang pinaniniwalaang nabakunahan nang magsimula ang season noong nakaraang buwan. —sa panulat ni Angelica Doctolero