Sinimulan kahapon ng lokal na pamahalaan ng Taguig ang pagtuturok ng Covid-19 booster shots o third dose sa kanilang healthcare workers na kabilang sa A1 category.
Ayon kay Taguig National Immunization Program Coordinator Dr. Jennifer Lou De Guzman, nasa 1,000 health workers ang naturukan ng booster shots mula sa Taguig City Health Office at Taguig-Pateros District Hospital.
Ipinaliwanag ni De Guzman na limitado lamang ang target na mabakunahan upang hindi masayang ang mga bakuna lalo at sensitibo ang Pfizer-Biontech.
Target aniya ng lokal na pamahalaan na mabigyan ng booster shots ang nasa 20,000 health workers.
Bagamat protektado na ng booster shot ay umapela pa rin ang opisyal sa publiko, na huwag maging kampante at panatilihin ang pagsunod sa minimum health protocols. —sa panulat ni Hya Ludivico