Nilinaw ng Department of Health (DOH) na hindi pa pinapayagan ang mga pribadong kompanya na gamitin ang kanilang sobrang supply ng COVID-19 vaccine bilang booster shots para sa kanilang mga empleyado.
Ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, inirerekomenda lamang ang booster shots sa healthcare workers, senior citizens at piling immuno-compromised individuals na nakasaad sa emergency use authorizations ng Food and Drug Administration (FDA).
Sa ngayon anya ay pinapayagan lamang ang pagtuturok ng booster doses sa mga healthcare worker.
Hinikayat naman ni Vergeire ang mga pribadong kompanya na magkaroon ng “loan agreement” sa pamahalaan kung mayroon silang malapit nang ma-expire na Coronavirus vaccines.
Sa ilalim ng kasunduan, maaaring ipahiram ng mga kumpanya ang sobrang supply nilang bakuna na sa tingin nila ay ma-a-aksaya lamang o ma-e-expire na, na papalitan naman ng bagong stocks ng gobyerno. —sa panulat ni Drew Nacino