Inilatag na ng Department of Tourism o DOT ang ipatutupad na guidelines sa pagpapasara ng Boracay Island sa susunod na linggo.
Ayon kay Tourism Secretary Wanda Teo, mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok ng mga turista at tanging ang mga residenteng may ID mula sa lokal na pamahalaan ang siyang pahihintulutang pumasok.
Papayagan naman na mag-swimming ang mga residente sa Nagol Beach na matatagpuan sa Station 3 mula alas-6:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.
Aniya, kailangan din ng media men na kumuha ng ID mula sa Department of Tourism at papayagan lamang silang mag-cover hanggang alas-5:00 ng hapon.
Habang ang Cavan Port naman ang siyang tanging magiging entry at exit point sa isla.
Matatandaang ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapasara sa Boracay Island upang bigyang daan ang rehabilitasyon nito.
DSWD operations center
Magtatayo ang Department of Social Welfare and Development o DSWD ang dalawang operations center para magbigay ng ayuda sa mga maaapektuhan ng pagsasara sa Boracay Island.
Ayon kay DSWD Officer in Charge Emmanuel Leyco, ilalagay ang operation center sa mismong isla habang ang isa naman ay sa Malay, Aklan.
Ilalarga ng ahensya ang livelihood at feeding program sa isla at tatanggalin ang ilang kondisyon upang maisailalim sa CCT ang maraming pamilyang apektado ng pagsasara ng Boracay.
—-