Hindi na mapipigilan ang pagsasara ng Boracay Island.
Tiniyak ito ni Tourism Secretary Wanda Teo sa kabila ng mga panawagang huwag isara ang isla dahil hindi lamang turismo kundi kabuhayan at trabaho ng mamamayan ang apektado.
Ayon kay Teo, sa ngayon, ang pinag-uusapan na lamang ay kung kailan at kung gaano katagal itong isasara para linisin.
Sinabi ni Teo na kung makikipagtulungan ang mga negosyante at mamamayan ng Boracay, puwede nilang mapaikli ng dalawa hanggang tatlong buwan ang pagsasara ng isla sa halip na anim na buwan tulad ng kanilang rekomendasyon.
Puwede rin aniyang samantalahin ng mga establishments at residente sa Boracay ang pagsasara ng isla para linisin ang kanilang lugar.
Sa ngayon, sinabi ni Teo na nasa kamay na Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng inter-agency commmittee na binubuo ng kanilang tanggapan ng Department of Interior and Local Government (DILG) at Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Tumanggi si Teo na sabihin ang petsang inirekomenda nila para sa pagsasara ng Boracay dahil nais aniya nila na ang Pangulong Duterte na ang magbigay ng announcement.
Una rito, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na posibleng isara ang Boracay pagkatapos na ng summer subalit sa isang panayam, sinabi ni DILG Assistant Secretary Epimaco Densing na April 26 ang rekomendasyon ng inter-agency committee.
Nasa kamay pa rin ng Pangulong Rodrigo Duterte kung kelan ipasasara ang Boracay Island para sa rehabilitasyon ng isla.
Ayon kay Teo, inaasahang sa lalong madaling panahon ay maihayag na ng Pangulo ang kanyang pasya sa isinumite nilang rekomendasyon na isara simula sa April 26 ang Boracay island.
Sinabi ni Teo kung matatapos ng dalawang buwan ang pagsasaayos sa malalaking problema ng Boracay tulad ng sewerage system posibleng buksan na agad ito.
Gayunman, magpapatuloy aniya ang pagsasaayos sa iba pang problema ng isla kahit pa buksan na uli ito sa publiko.
—-