Aminado ang Boracay Foundation Inc. o BFI na ang unfinished drainage system ang dahilan ng water pollution sa Boracay Island.
Ayon kay Nennette Aguirre-Graf, presidente ng BFI, dinisenyo ang mga drainage system para kontrolin ang pagbaha sa isla ngunit ang masaklap, ginamit na itong tapunan ng dumi ng ilan sa mga residente at establisyemento doon.
Paliwanag ni Graf, nagagamit sa di tamang paraan ang mga drainage canal sa Boracay dahil gawa lamang sa hollow blocks ang ilang bahagi nito.
Giit ni Graf, walong taon na ang nakalilipas nang ipanawagan nila sa Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority o TIEZA na ayusin at tapusin na ang ginawa nilang drainage system, ngunit hindi aniya ito inaksyunan.
Una nang nagbanta ang Tourism Department na ipasasara ang nasa 200 commercial establishments sa Boracay kung hindi masusulosyunan ang water pollution sa isla.