Mananatiling tourist destination ang Boracay Island.
Tiniyak ito ni Department of Interior and Local Government o DILG Undersecretary Epimaco Densing III sa kabila ng deklarasyon ng Pangulong Rodrigo Duterte na isang agrarian reform area ang isla.
Ayon kay Densing, layon lamang ng Pangulo na maipamahagi sa mga tunay at matagal nang nakatira sa Boracay ang mga lupain sa isla.
Ang dapat lamang aniyang gawin ng mga establisimiyentong nasa Boracay ay mag-apply para sa land conversion.
“Wala namang sinasabi si President Duterte na itigil ang turismo diyan, ang pahayag niya ay gusto niyang ibalik sa Boracaynon ang Boracay, bigyan sila ng lupang titirhan, ang palagay ko nga diyan baka gusto niyang ang taumbayan na ang mag-operate ng Boracay bilang isang tourist destination, at hindi na itong mayayaman, mga oligarkiya na korporasyon na sila lang ang kumikita, more than 1 billion dollars ang gross receipts sa isla ng Boracay, consistent ‘yan over the past years pero ang tao diyan mahirap pa rin.” Ani Densing
Positibo si Densing na muling bubuksan sa mga turista ang Boracay sa Oktubre o pagkatapos ng itinakdang anim na buwang rehabilitasyon.
Marami aniya sa mga establisimiyentong mayroong violation ay nakapagbaklas at tuloy-tuloy naman ang mga proyektong isinasagawa ng pamahalaan para maisaayos ang Boracay.
“On course po tayo, in fact ‘yung circumferential road diyan ay inumpisahan nang sementuhan, marami sa ating mga kababayang negosyante nagpapasalamat po kami na sila’y nakisama, nakiisa, nagkaroon na ng mga self demolitions, may ilan lang p ong pasaway, balak po natin kapag hindi pa rin sila sumunod sa ating mga ordinansa at batas, by October hindi natin sila papayagang mag-operate kapag binuksan na muli ang isla sa mga turista.” Pahayag ni Densing
(Ratsada Balita Interview)